“Ganun lang talaga ang bata. Siguro may epekto sa kanya ‘yung matagal na ‘di natin pagkikita. Biruin mo naman, halos limang taon na ‘di natin siya nadalaw man lang. sabi nga ni Nanay e hindi na halos matandaan ni Ineng ang hitsura natin. Kumbaga, hindi na rin siya nasanay na maging anak natin.”
Napahiya si Pablo sa sarili nang umpisahang magtanong: Hindi rin kaya ako nasanay maging Tatay?
Niyaya ni Gina ang asawa upang mahiga. Sumunod si Pablo.
“Ka Gina…” humikab si Gina at ipinahalatang inaantok na siya. Hindi na nagpatuloy si Pablo. Nakaramdam siya ng pangungulila. Mahaba pa ang gabi at mag-isa niyang sasagutin ang isang libo’t isang tanong sa isip.gusto niyang magalit sa patulog nang asawa, gisingin, at salubungin ng bulyaw : Hindi mo ba naiintindihan, nahihirapan akong maging Tatay ?
Kaninang umaga ay ayaw ni Ineng na kumain ng kasabay siya. Kay Gina sinabi ni Pablo ang alburoto ng bata. Malambing na sinuyo ni Gina ang panganay na anak. “Ineng, sabay tayong kumain, ha?” lumapit ang bata sa kanyang ina at sisinghot-singhot na dumulog sa hapag.
Magkaharap na si Pablo at ang kanyang anak sa mesa. Umiwas si Pablo sa tingin ng bata. Sinasaklot siya ng pangamba. Pangambang hindi niya naramdaman maski noong hagarin siya ng mga sundalo ng METROCOM sa binuwag na rali noong 1972. Mas malalim ang pangamba niya ngayon kaysa noong 1973, nang makipagkapitbisig siya sa mga nagwiwelgang manggagawa sa Batangas Sugar Central at muntik na silang sagasaan ng trak ng mga eskirol at goons. Kaiba rin ito sa pangambang naramdaman niya noong 1973 nang tumakas siya – at pito pang mga kasama – sa Camp Vicente Lim. Maski papano ay kongkreto ang simbulo ng pangamba sa karanasang iyon. May mga sundalo sa paligid ng selda at sa kaunting pagkakamali ay maaari silang mapansin at paputukan. Pero sa pagkakataong ito, walang kaaway sa paligid, ngunit siya’y kinakabahan.
Gusto sana ni pablong tawagin ang pangalan ng kaniyang anak, itanong kung bakit ayaw syang sundin nito. Pero lalo siyang kinabahan sa naisip niyang baka itugon ng bata.
Inabutan ni Pablo si Ineng na nagsusulat sa loob ng kubo pagkapananghali. Isinandal niya ang kanyang M16 at umakbay sa bata. Marahas na pumiglas ang bata sa mga braso ng ama, linuyumos ang sinusulatang papel, at mabilis na tumakbo palayo. Sinundan ni Pablo ng tingin ang anak. Pagkatapos ay dinampot niya ang gusot na papel, tinitigan ang naka-drowing : isang babaeng may katabing bata, pakilukilo ang guhit ng mga letrang nagpapakilala sa krudong hitsura ng mga tao sa drowing: Ito ang Nanay ko, ito si Ineng.
Tumangging umiyak si Pablo sa matalas na kalungkutang sumusugat sa kanyang sarili. Doble ang kalungkutan ngayon kaysa noong itakwil niya ang pangarap na maging sundalo dahil siya ay mababa. O noong hindi siya tinanggap bilang manggagawa sa pabrika ng kumot at kulambo dahil hindi lang ibinoto ng kanyang ama ang kandidato sa eleksyon ng kapitalista.
Napapagod na siyang mag-isip. Kaninang pahapon ay ipinasya niyang kausapin ang bata. “Anak, bakit hindi mo kinakausap ang Tatay?” walang sagot si Ineng. “Galit ka ba sa Tatay?” Lalong nagpakatungo si Ineng sa kanyang dibdib.
Kinukumbinsi pa rin ni Pablo ang sarili na nahihiya lang ang bata sa kanya. “Ako naman ang Tatay mo, a. narinig mo ba yung boses ko sa radyo? ‘Di ba kinuha ka ng mga sundalo sa Batangas? Dinala ka sa kampo nila, tapos pinilit kang tawagin ang tatay mo sa radyo. Sumuko na raw kami at kunin ka.”
Umangat ng bahagya ang mukha ni Ineng. Nasiyahan si Pablo, “Natakot ka ba noon, anak? Alam mo, alalang-alala ako sa’yo noon. Hindi ako makapagtrabaho ng tuluy-tuloy kasi lagi kitang iniisip. Tinawag nga kita sa radyo. Sinabi ko sa mga sundalo na huwag ka nilang idamay. Bata ka pa, bakit ka nila babalingan kung ako naman ang kalaban nila.”
Sumulyap si Ineng na parang kinikilatis ang mukha ng kausap.
‘’ Pasensya ka na, anak. Pati ikaw ay naiistorbo dahil sa akin. Pati ang pag-aaral mo ay nahinto dahil kinuha ka. Tapos, lagi pa tayong magkalayo. Hindi na tayo nakapaglaro, ano? Sori, anak. Paglaki mo, maiintindihan mo kung bakit kami ng nanay mo ay naririto sa bundok – malayo sa ‘yo. Basta’t tatandaan mo: mahal ka namin. At kaya kami hiwalay sa ‘yo ay para alisin na ‘yung masasamang tao katulad ng mga sundalong kumuha sa ‘yo. Pag wala na ‘yung mga salbahe, magsasama-sama na tayo lagi ng nanay mo. Mamamasyal tayo at maglalaro sa Batangas. Ano, anak?”
“’Yung mga kalaro ko, may Nanay at Tatay.”
“Kami naman ang Nanay at Tatay mo, a.”
“Hindi!”
Tumakbong palayo si Ineng at tinungo ang kanyang ina. Gusto na niyang umiyak. Kahit pinipilit niyang kumbinsihin ang sarili na talagang ganun lang ang bata ay tinatalo siya ng pagdududa. Siya, siya na isang rebolusyunaryong sinanay ng dalawang dekadang sakripisyo at kahirapan para likhain ang lipunang mas matino, mas mabait sa mga bata – bakit hindi siya itinuturing na ama ng sarili niyang anak?
Ang nararamdaman niya ngayon ay tulad noong soya’y nagluluksa sa pagkamatay ng kayang ama at tuwing pulong-parangal para sa mga kasamang nasawi sa digmaan. Buhay pa siya! Ngunit magdurugo na rin siya sa isang engkwentrong musmos ang kalaban.
Bumuntong-hininga si Pablo sa pagkakahiga. Hindi siya napagod sa buhay-mandirigma mula noong 1974 sa Calauag hanggang ngayon sa kung saang lugar sa Timog Katagalugan. Hindi siya pinaghinaan sa iilang pistola nilang armas sa Sandatahang Yunit Pampropaganda na una niyang kinapalooban. Hindi niya kinainipan ang rebolusyon na tumaeb at humibas, nabigo at nagtagumpay. Pero ngayon ay hindi niya maigpawan ang nararamdamang pagod sa puso at isip.
Bumangon si Pablo at sinulyapan ang asawa. Nagpasya siyang puntahan ang anak na natulog katabi ng ibang Kasama dahil ayaw sumiping sa kanila – sila na kung tawagin ni Ineng ay “mga tao” sa halip na Nanay at Tatay. Mag-iisang linggo na ay hindi pa naririnig ni Pablo kay Ineng na tinawag siyang Tatay.
Hinaplos ni Pablo ang noo ng anak. Bahagya itong napapilig. Mabilis na iniangat ni Pablo ang palad ng anak habang humuhiling sa kawalan na huwag sana itong magising. Nagsisimula na naman siyang makaramdam ng pangamba at kalungkutan para sa sarili niyang anak. Binuhat niya ang bata. Biglang dumilat si Ineng at halos matunaw si Pablo.
“A-a-anak,” gusto sana niyang magpaliwanag, “anak, ililipat lang kita ng higaan. Doon ka na lang sa tabi namin.” Pero walang makahulagpos na salita sa kanyang lalamuna. Pinilit niyang ngumiti para huwag magalit ang anak.
“Tatay?”
Biglang naramdaman ni Pablo ang walang hanggang kasiyahan sa narinig. Niyapos niya ng mahigpit ang anak at hiniling muli sa bata, tawagin mo uli ako, Anak. (1993)
No comments:
Post a Comment