Friday, September 19, 2008

Ang Komiks at ang Pagsulat ng Kasaysayan ng Kasalukuyan by Rolando Tolentino

Nakamamanghang isipin na bawat kilalang kritiko sa Manila ay may naisulat tungkol sa aspekto ng, kundi man hayag na pagtalakay sa, kulturang popular. Para bang may lisensyang nalilikha ang pagiging kritiko na pagtuunan ng “lehitimong” pansin ang “bastardong” kulturang popular. Dahil nga naman ang kulturang popular ay bahagi rin ng kanilang mismong mga karanasan o realidad, handing magpadanak ng dugo ang mga kritiko sa lalim ng pagkakasaksak sa kanila ng kulturang ito. Ganito rin ang attitude ng mga estudyante ko sa isang kurso sa University of the Philippines tungkol sa kuturang popular. Bawat isa sa kanila’y may baon nang opinyon bago pa man sila nag-enrol sa klase, dahil nga ito ay bahagi ng kanilang pang-araw-araw na realidad.
Ito ang matinding dahilan kung bakit kailangang pagtuunan ng pansin ang pag-aaral ng kulturang popular. Ang nakatatakot pa nga sa baon ng estudyante, lalo na para sa guro, ay mas malawak ang kanilang kaalaman at karanasan, lalo pa sa mga bagong dating at malaganap na kulturang popular. Samakatuwid, ang generation gap sa loob ng klase ay di lamang matutunghayan sa malaking kaibahan ng edad at milieu ng guro’t estudyante, makikita rin ito sa magkaibang kaalaman at karanasang pumapabor sa estudyante. Nanganganib ang posisyon ng guro pagdating sa usapin ng kulturang popular sa classroom.
Gayunpaman, kung tinitingnan ang classroom bilang isang arena ng tunggalian ng kapangyarihan para sa kaalaman, ang kapangyarihan ay di lamang nakasalalay sa dami ng alam at karanasan. Ang bentahe ay nasa kasinupan at katalasan ng paggamit sa kaalaman at karanasan. At ito, sa palagay, ang dapat isaalang-alang sa pagkatuto sa kulturang popular. Layunin ng sanaysay na ito na bigyan-diin ang isang perspektibo sa pagkatuto sa kulturang popular para lalo pang pagyamanin ang mayaman nang kaalaman at karanasan ng estudyante. Sa gayon, ang mismong estudyante ay nagging kritikal sa kanyang pang-araw-araw na realidad. Kumbaga, hindi mo man mapigilan ang estudyante para manood ng sine imbes na magbasa ng Doctrina Christiana o Noli Me Tangere, binibigyan mo pa rin sya ng sapat na kritikal na skill para mahinuha (“make sense”) ang kanyang relasyon sa bawat pagpapaloob sa karanasan sa kulturang popular. Ginagawang di-pamilyar ng kritikal na skill ang nagging napakapamilyar nang karanasan sa pang-araw-araw.
Sa sanaysay na ito, ipaliliwanag ko muna ang panitikan at kulturang popular bilang mahalagang salik ng ating konsepto ng karanasan. Ibig sabihin, ang pagkatuto natin sa panitikan at kulturang popular ay may malalim na sinasabi tungkol sa ating relasyon sa realidad, lipunan, at ating pagkatao – ang mismong karanasan sa mga ito. Isusunod ko rito ang paliwanag ukol sa kritikal na balangkas para unawaun ang atin nang paghihinuha sa kulturang popular – “ang pagsulat sa kasaysayan ng kasalukuyan”. Ipinaliliwanag ng balangkas ang paraan n gating pag-unawa sa ating relasyon sa kasalukuyang karanasan, na may sariling kasaysayang pinanggagalingan, na parehong nakikipag-usap at hiwalay sa iba pang mga paraan ng pagpapakaranas sa mga kasaysayan. Ngayon, kung ito ay pumapaloob sa maraming kasaysayan, magagamit din ito para tukuyin ang maraming aspekto ng mga lipinan at pagkatao. Pagtutuunan ko ng pansin ang isang halimbawa ng panitikang popular at ang isang halimbawa ng kritikal na pagbasa rito.

Panitikan at Kulturang Popular
Sa sanaysay na ito, nais kong bigyang-pansin ang isang aspekto ng kulturang popular – ang panitikang popular. Bagama’t ang talakayan ng panitikang popular ay hindi hiwalay sa kulturang popular, may mga partikular pa ring katangian ang huli. Isa na rito ay ang pagiging pinakahuli o pinaka-low tech(nology) sa mga larangan ng kulturang popular kung ikokompara sa iba pang media tulad ng telebisyon, sine, computer, at iba pa gayong ang print media naman ang nagsulong ng rebolusyon sa kulturang popular. Pero gaya ng pinakatunguhin ngayon ng mga media, ang pinaka-low tech sa kulturang popular ay nagaambisyon na ring maging interactive, multinarrative, at multimedia. Ang mga direksyong ito ay nagbibigay ng bagong relasyon sa mambabasa at akda, mambabasa at panitikan, tao at karanasan.
Sa isang banda, ito naman ang ipinalalaganap ng mga bagong anyo’t anggulo sa pag-aaral at pagdanas sa kulturang popular. Ang unang naging pagtingin ng mga kritiko sa kulturang popular ay bilang negosyo, kaya’t nakatuon lamang sa kita. Kaya para sa mga kritiko, kailangang ilugar ang kulturang popular sa nasyonalismong kilusang bumabalikwas sa interes ng kapitalista’t kolonyalismo. Ang isa pang direksyon ng pananaw o kritisismo sa kulturang popular ay ang pag-angkat sa hegemonikong interes. Hinahanapan ng mga kritiko ang kulturang popular ng kasiningang nagmumula sa tradisyong pampanitikan at kultural.
Ngayong naipakita na, kahit pahapyaw lamang, ang pinanggagalingan ng pag-aaral ng kulturang popular sa Pilipinas, may dalawang direksyon na nais akong tuntunin. Hindi naman itinatatwa ang pangunahing katangian ng kulturang popular, may ipinalalabas lamang na iba pa nitong katangian.
Una, kailangang magpokus sa paraan ng paghihinuha sa karanasan sa kulturang popular. Tingnan kung paano nagiging makabuluhan – at ito’y isang komplikadong proseso – ang kulturang popular sa maraming tumatangkilik nito. Maaaring humalaw sa naging direksyon ng historyograpiya, ang paghanap ng “mga tinig mula sa ibaba”.
Ikalawa, kailangang humanap ng mga local na kulturang popular. Ang mga pinagmulang pagsususri sa kulturang popular ay nakapagmapa ng isang nasyonal na tradisyon ukol dito: kung paano ang kulturang popular ay isang arena ng tunggalian para sa representasyon ng ideal ng pambansang identidad o pagkamamamayan, kung paano ang kulturang popular ay sumasailalim sa kulturang Filipino. Sa aking palagay, dapat naming imbestigahan ang mga local na uri ng kulturang popular bilang mahalagang aspekto ng ating popular na persepsyon sa realidad. Maaaring rehiyonal, pangkomunidad, pangkilusan, pangkasarian, pang-geograpikal, pansektoral, o mas maigi, kombinasyon nito. Bagama’t di naman itinatatwa ang proyektong nasyonal sa kulturang popular, ibig kong matukoy ang iba pang mga partikular na karanasan sa kulturang popular.
Sa aking palagay, sa dalawang tinukoy na direksyon mauunawaan ang dalawa pang katangian ng kulturang popular. Una, dahil pinagtutuunan ng pansin ang aktibong produksyon ng kahulugan ng tumatangkilik nito, nagkakaroon ng kabuluhan ang inisyatiba ng mga tumatangkilik, gayon din ang mga tumatatwa, sa kulturang popular. Ang masa ay hindi na lamang isang pumpon ng mga tao, sila ay nagkakaroon ng pagkatao (being) batay sa kanilang paghihinuha sa mundo ng kulturang popular. Dapat lamang na makapag-angkat ng kontra-hegemonikal na interes, iyon ngang interes ng mga nasa ibaba, dahil sa pagbibigay-diin sa ikalawang katangian. Ikalawa, dahil pinagtutuunan ng pansin ang lokal na inisyatiba, nagkakaroon ng puwang para sa negosasyon. Hindi lamang institusyonal na kamalayan at praktis ang isinisiwalat sa pagtingin sa kulturang popular, tinitingnan din nito ang pagtanggap, pagtunggali, at pagtransporma ng mga puwersa sa lokal na antas. Gayunpaman, ang lokal na sinasambit ay hindi rin naman hiwalay sa nangyayaring globalisasyon ng kultura at kapital. Ang kulturang popular ay nagpapahintulot ng interfacing ng lokal at global.
Ang dalawang naangkat na katangian ng kulturang popular ang tumutukoy sa ikatlo pa – ang pagiging mediated ng pang-araw-araw na kultura. Ibig sabihin, sinasaklaw ng kulturang popular ang ating karanasan sa pang-araw-araw na buhay at relasyong panlipunan. At ang pagsaklaw na ito ay parating dumaraan sa screen ng teknolohiya, ang media. Dahil dito, ang nabubuong karanasan ay makaulit na hiwalay (twice removed) sa realidad. Gayunpaman, ang doble-bista ay pinangangalandakan ng mga ideolohikal na pang-estadong aparato bilang normal at unibersal. Kaya naman nangangailangan ng kritikal na skill sa pagtingin sa panitikan at kulturang popular.
Mayaman ang nagng kasaysayan ng kritisismo sa panitikan, lalo pa’t hinggil sa isyu ng representasyon – kung paano nga inilalarawan o binibigyang-buhay ng texto ang inaakalang nagaganap sa aktuwal na lipunan at kasaysayan. At ito naman din ang pangunahing skill na ating gustong tasahin, ang kritikal na pagtingin sa representasyon ng karanasan sa pang-araw-araw.

Pagsulat ng Kasaysayan ng kasalukuyan
Kay Michel Foucault nanggaling ang phrase na “kasaysayan ng kasalukuyan” (writing the history of the present). Sa aking palagay, maihahambing ang idea ni Foucault sa isang sangandaan ng di pantay-pantay na kalyeng tumutungo at nagmumula sa iba’t ibang direksyon ng karansan sa kasaysayan. Bawat daan ay nagpapahiwatig ng bahagi ng network ng relasyong pangkapangyarihan. Ang mismong sangandaan ay nakapaloob sa relasyong pangkapangyarihan. Pero, tulad ng karanasan, di natin ito makikita sa kanyang kabuuan. Matutunghayan lamang natin ito sa kanyang mga ipinahihiwatig na kontexto at direksyon.
Bakit “pagsulat” ng kasaysayan ng sandali? Kay Roland Barthes naman galing ito. Nais kong ipasok ang idea na sa ating pagbabasa o pagsusuri, ipinapasok natin ang mga bagay na tila hindi naman hayag na tinutukoy ng isang akda pero pwede nitong tukuyin nang sa gayon ay magkaroon tayo ng idea ng pag-unawa sa akda’t sa atin mismong paraan ng pag-unawa. Tinutukoy din dito ang pagsulat ng karanasan sa kulturang popular, dahil kung hindi naman tayo mulat sa aktibong pakikilahok sa karanasan, tulad lamang ito ng pagiging bato ng Ibong Adarna. Kaya tulad ng magiting na prindipeng nagpatak ng kalamasi sa sugat, kailangang magkaroon tayo ng kritikal na skill para masilo ang mailap na karanasan, lalo pa’t iyong pang-araw-araw o mga ginawang normal at unibersal.
Samakatuwid, ang pagsulat ng karanasan ng kasalukuyan ay paghihiuha sa ating paraan ng pagpapakaranasan – saan ito nanggaling, saan ito pumapasok para makasabay sa ibang daan sa sangandaan, paano ito tumatahak ng sarili nitong landas. Kapag nakita natin ang kasaysayang pinanggagalingan at pinatutunguhan ng ating karanasan, maiuugnay natin ito sa iba pang karanasan sa kasaysayan. At hindi rin naman hiwalay ang pag-aaral ng kasaysayan sa lipunan. Tinatahak din ng landas ng iba’t ibang kasaysayan ang iba’t ibang lipunan at pagbabago sa geograpiya. Nagbabago ang komiks, halimbawa, di lamang sa kasaysayan, nagbabago rin ito sa loob ng isang partikular na espasyo. Iba ang komiks ng kabataan sa nakatatandam ng mayaman sa mahirap, ng babae sa lalaki.
Sa madaling salita, ang tinutukoy nitong balangkas ay ang pag-unawa sa ating kognitibong pagkatuto sa mga partikular na aspekto ng panitikan at kulturang popular. Paano tayo magbasa ng panitikang popular? Paano tayo gumagawa ng relasyon sa mga akdang binabasa? Paano natin binabasa ang ating pagbasa? Paano tayo natutong masiyahan sa pagbabasa ng panitikang popular? Kaya naman, napakahalagang pagtuunan ng pansin ang isa pang yunit ng tripleng diyalektiko, ang pagkatao sa modernidad. Sa pamamagitan ng karanasan nagkakaroon ng pagkatao. Ang karansan sa teknolohiya’t maedia ay isang modernong penomenon. Ang mass reproduction ng karanasan, kaya ng may posibilidad na magkaroon ng batayang ugnayan ang iba’t ibang lokal na nagbabasa ng komiks.
Kaya napakahalaga ng nosyon ng dating o apekto (affect). Ito ang pinagmumulan ng ating paghihinuha sa karanasan bakit tayo naliligaw sa bagong lugar, at walang pangamba sa ibang lugar kung saan matagal na tayong sanay? Paano tayo sinasanay sa bagong karanasan? May kaakibat na pagbabagong nais at dulot ang pagpasok at paglaganap ng kapital sa loob ng bansa. Itinatakda nito ang standard ng pagiging middle class. Isinisiwalat din nito ang pakiramdam ng pagiging middle class. Halimbawa, kung hindi komportable sa mga magmamahalang resorts sa labas ng Luzon, may sinasabi ito sa kakulangan ng sosyalisasyon sa gentrification, na dahil sa kasalatan sa pang-ekonomiyang lagay. Dahil na rin sa oversesas contract workers na nagre-remit ng napakalaking halaga sa bansa o sa multiple heads of family, nagkakaroon ng propensidad na mag-isip na parang maykaya kahit hindi naman talaga ganito ang kalagayang pang-ekonomiya.
Ang ideal ng modernidad ay tungo sa gentrification o pagkakaroon ng kultura ng panggitnang uri (middle class). Sa ganitong kultura, nilalayon na magkaroon ng pakiwaring urbanidad at kosmopolitan. Ginagawang standard ng kalakaran ang sentro ng mga kulturang popular, sa ating bansa, ang dikatadurya ng kulturang popular sa Manila. Pero ang nasa Manila ay tumitingin naman sa Kanluran para sa kanilang modelo, espesipiko rito ang mga marka ng modernidad mula sa United States. Ang kabataang subkultura halimbawa’y tumitingin sa mga modelo, sa pangunahin, sa New York at cCalifornia, ang magkabilang coast ng US. Ang nag-oorganisa ng ating kulturang popular ay may sentro sa Hollywood at Manhattan, at periperal na colored communities at ghettos. Sa kultura ng modernidad, may kakayahan na laging nasa uso, laging bago, laging sosyal.
Nais kong banggitin na ang di-pantay at di-makatarungang implementasyon at karanasan sa pambansang development (national development) ang nagpalaganap ng diskurso ng kulturang popular sa bansa. Sa pamamagitan ng development napipilit ipasok ang mga ideal ng transnayunalismo at globalisasyon. Ang proliperasyon nga ng malls sa mga iba’t ibang sentro ng bansa ay isa nang sintomas ng aspirasyong maging transnayunal – nandito ang produkto’t serbisyo mula sa iba’t ibang bahagi ng bansa at mundo, at narito ang comforts ng pagiging First World, tulad ng gumaanang airconditioner, escalator, at elevator; mailaw, may greenery kahit plastic; magandang serbisyo; walang brownouts, krimen, at air pollution.
Ang conspicuous sa ganitong kalakaran ay kung paano ginagawang ahente ng modernidad ang kabataan, ang atinf mga estudyante. Tingnan na lamang ang dumudumog sa malls at sine, o maging ang bumabasa ng romance novels, komiks, comic novels, at iba pa. Mula sa kanilang mga hanay pangunahing kinukuha at ibinababa abg depinisyon ng uso, ang palalaganaping bagong larangan sa kulturang popular. Kaya bagamat sila ang mas may alam sa karanasan, sila rin ang mas mahirap paigpawin sa karanasang ito. At dito nga papasok ang kritikal na skill sa pagpapaunawa sa kanilang pag-unawa sa karanasan ng kulturang popular – paano isusulat ang kanilang kasaysayan ng kasalukuyan sa naturang sandali ng pagkaranas?

Ang Produksyon ng Popular na Kamalayan sa Panitikang Popular
Apat na taon na ang True Star Horoscope, isang lingguhang komiks na nakatuon sa horoscope at iba pang poanghuhula, at mukhang magtatagal pa rin ang interes dito. Mula sa pabalat at sa mga nagpapadala ng sulat para maisadrama ang naging karanasan sa horoscope, sa syntax ng lingguhang horoscope guide at mga larawan sa penpal column, hanggang sa star news, ang target audience ay kabataan. Bahagi ito ng kanilang binabasa. Glossy ang cover na naglalaman ng kabataang artista; may layuning praktikal at habituwal ang mga hula; maiikli ang kwento; maaaring lumahok ang mambabasa sa pa-bingo ng Atlas Publishing Company, ang pangunahing publisher ng komiks; maaari ring magpadala rito ng larawan, kwento, at humiling ng payo sa mga seksyon ng komiks. May pedagogical na aspekto din itong komiks; maraming matututuhan tungkol sa interpretasyon ng panaginip at mapupulot na aral sa lingguhang horoscope.
Sa isyung 28 Enero 1998, may isang Mhelinda Bangroy na nagpadala ng liham sa komiks. Kalakip ang kanyang address, ang kanyang kwento’y idinibuho, kasama ng kanyang larawan. Ang kanyang kwento ay tungkol sa isang pag-ibig sa lalaking tunay na nagmahal sa kanya noong siya’y nag-aaral pa. Sa isang pagkakataon, nang mag-away sila ng kanyang ampon na kapatid, ay nabulyawan niya ang lalaki na lumayas. Balak sana ng lalaking magpaalam sa kanya dahil siya’s mag-aaral sa Manila. Puro sumbat ang kanyang nakuha sa lalaki sa mga sulat, wala siyang sinagot ni isa sa mga ito. Hanggang sa may maawang kaibigan at inihanap siya ng trabaho sa pinapasukan sa Malaysia. Ngayon ay naninilbihan siya bilang isang domestic helper doon. Ang tangi na lamang niyang hangad ay magkaroon ng “peace of mind”. Wika niya sa huling kahon ng kwneto: “Saan ka man ngayon, have a heart na sulatan ako at sabihing ako’y iyong pinapatawad. Hangad ko ang iyong kaligayahan sa natagpuan mong pag-ibig”.
Ano ang magiging epekto ng kwento sa kabataang mambabasa? May identipikasyong sinasambit ang kwento, tulad ng pagtatabi ng tunay at dibuhong larawan ng nagpadala. Pinupukaw ang damdamin ukol sa minsang pagkakamali, at ang pagnanais mapatawad, kundi man muling makausap, para magkaroon ng indibidwal na katahimikan. Samakatuwid, malamang ay maawa ang mambabasa dahil maaari itong mangyari sa kanya. At kung magkagayon, tila iisang barko ang kanilang masasakyan.
Dapat unawain ang tila trivial na kwento ng young first love, isang isyung tiyak na malapit sa puso ng kabataang mambabasa. Ano ba ang mga kontexto nito? Siya ngayo’y domestic worker, bahagi ng lumalaking labor force na kumikita sa labas ng bansa. Sino ba ang walang kamag-anak o kakilalang OCW (overseas contract worker)? Di lalong mas nagiging pamilyar ang kanyang kwento? Bukod dito, may drowing sa komiks na direktang kinakausap ng nagpadala ang mambabasa. Mayroon pang paggamit sa kanyang aktuwal na retrato na isa ring pagtatangkang gawin siya at ang kanyang kwento na pamilyar sa mambabasa. Para tayong tumatanaw sa isang retrato sa family album, kilala man natin ito o hindi. Tulad ng pagkakalagay ng mga album sa sala, para sa mga bisita, hinahayaan tayong sulilip sa buhay ng mga taong nakatira sa bahay. At ang kwento ni Bangroy ay pagsilip sa isang karanasan sa buhay ng kabataan ngayon.
Maraming nang ugnay sa panitikan, panitikang popular at kultura ang binubuo: ang paggamit ng epistolaryong porma, kumbensyon ng courtly love, enkapsulasyon ng kwneto, representasyong biswal ng mga larawan, naratibo ng OCW, naratibo ng babae mula sa salat na bahagi ng lipunan, naratibo ng manunulat, at iba pa. Paano nalilikha ang karanasan mula sa ganitong mga pampanitikan at panlipunang ugnayan?
Tingnan naman ang subersyon ng kwento para magkaroon ng mas mayamang pagtalakay sa mga ugnay sa kasalukuyan. Ang pagpapadala ng liham ay isang pagtatangkang makaugnay, kahit low tech, sa isang mahal na pigurang biglang nawala. May pagnanais na makaugnay ang babae at minaster nito ang feminine form para sa pagtatangkang ito. Bukod dito, nasira rin ng kanyang pagsulat ang ritmo ng panunungkulan bilang domestic helper. Ito ang kanyang naging paraan para magkaroon ng kabuluhan ang kanyang buhay. Sa gayon, ang bawat konpigurasyong mabubuo, tulad halimbawa ng epistolaryong porma at kultura, ay nagkakaroon ng artikulasyon ng dalawang kamalayan: ang sulat bilang teknolohiya ng pag-uugnay sa tao’t sarili, at ang sulat bilang wish fantasy. Sa ganitong dobleng sinasambit, maaaring tingnan ang kahalagahan ng kanyang pagsulat, at ang tibay o lambot ng ugnay sa atin.
Isinulat ni Bangroy ang kanyang karanasan – malinaw ang indibidwal, romantiko ang panlipunang ideal na kanyang ginagalawan. Paano natin susulatin ang ating sariling karanasan sa kanyang kwento? Hindi natin ito maihihiwalay sa dalawang milyong Filipinong OCW na kumikita ng mga $13 bilyon bawat taon, gayon din sa mga naudlot na kabataan ng maraming kinailangang maging sacrificail lambs para sa kanilang mga pamilya. Hindi ito hiwalay sa kwento ng 600,000 pamilyang nabibiyayaan sa kita ng OCW. Hindi natin ito maihihiwalay sa sariling karanasan ng mag-aaral bilang kabataang may romantikong nosyon pa rin ng kanilang estado at pagmamahal, at sa pilas ng kanilang posibleng hinaharap. Hindi ito hiwalay sa pakikipag-ugnay ng nagpadala ng sulat sa mambabasa’t sa lalaking naging puwang ng kanyang kasalukuyang pagkatao.
Ang metapora ng kanyang dislokasyon – pisikal at geograpiko – ay marka ng kabalintunaan ng pagkatao sa modernidad. Habang lalo tayong lumalapit sa ideal ng modernidad, lalo tayong nawawalay sa ating pagkatao, nagiging mas pareho ang ating mga kwento. Magagamit ang kwento para tistisin ang isyu ng kasaysayan, lipunan, at modernidad. Tulad ng kulturang popular, ang tripleng dialektikong ito ay dapat ding himayin sa mga lokal na lagay.
Ang panitikang popular ay may katumbas na pagsisiwalat sa panitikan sa akademya. Ito ang mga panitikang pumapaksa sa kulturang popular. Ang operasyon sa pagsusuri, sa tingin ko, ay magkahalintulad. Dito pumapaloob ang mga manunulat na naging tampok ang detalye’t pinapaksang batay sa kulturang popular. Ang iniisip ko ay ang mga tula nina Joi Barrios at German Gervacio na namumutiktik sa detalye ng urban gayong may mga partikular na lokasyong kasarian at pinagmulan na nagpapaiba sa kanilang mga akda. Nandito din ang maiikling kwento ng Katha, isang grupo ng kabataang manunulat ng dekada ’80 at ’90. Maaari ring basahin ang kwentong “Greta Garbo” ni Deogracias Rosario at dagling “Estrangheritis” na sinusulat ang kasaysayan ng kasalukuyan. Gayon din, anbg ilan sa mga akda ni Rio Alma at iba pang manunulat ng Galian sa Arte at Tula (GAT) ay may ugnay din sa mga partikular at kontemporaryong kulturang popular.
Tulad ng mga binabasa nating panitikang popular, kailangang maging malikhain ang sariling kwentong nabubuo natin ukol sa karanasan. Ang kagandahan, na siya ring kahirapan nito, ay ang pagbibigay-ugnay sa mga bagay na tila, sa simula, ay walang ugnay. Sa ganito, di nawawaglit ang ating karanasan, bagkus nagiging giya oa natin sa pabago-bagong mapa ng kasalukuyang kasaysayan.

No comments:

Post a Comment